PATAY ang isang lalaki makaraang bugbugin at saksakin nang maningil ng pusta sa karera ng kalapati sa apat na mga suspek sa Sta. Ana, Manila noong Lunes.
Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen ang biktimang kinilalang si Kenneth Pagulayan, nasa hustong gulang.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang mga suspek na sinasabing pawang nasa drug watch list sa kanilang lugar.
Base sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-5:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Barangay 767 sa Sta. Ana.
Ayon sa ulat na isinumite kay MPD District Director P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, natalo ang mga suspek sa karera ng kalapati.
Nang puntahan ng biktima ang mga ito para singilin sa pustang P1,000 ay pinagtulungan itong bugbugin at pinagsasaksak. (RENE CRISOSTOMO)
