INIHAYAG kahapon ng National Police Commission (Napolcom) na handa na ang kanilang desisyon hinggil sa administrative complaint na isinampa laban sa 12 police officers na idinadawit sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Commissioner Rafael Calinisan, may draft na sila ng kanilang resolusyon at ang Department of Justice (DOJ).
“Happy ako doon kasi inaantay ko talaga ‘yun eh. Nasa mesa na namin ‘yung draft, pero hindi pa namin inuupuan para i-deliberate at ilabas kasi precisely inaantay namin ‘yung DOJ resolution,” ani Calinisan sa panayam ng media.
“Kung abswelto, okay. Pero papaano kung guilty? Papaano kung dismissal ang aming hatol? Saan natin hahanapin? Saan natin isi-serve ‘yung mga warrants of arrest ng mga ‘yan? So, we will be team players. We will coordinate with the DOJ.”
Paliwanag ni Calinisan, natapos ng Napolcom ang kanilang draft decision sa loob ng 60-day prescription period matapos ang paghahain ng reklamo, subalit hindi muna nila inilalabas hanggang hindi naglalabas ng kanilang findings ang DOJ.
“Ginawa namin ang trabaho namin, 60 days tapos ‘yung aming desisyon. Pero mas makabubuti siguro sa sambayanan na hawakan muna namin,” sabi pa ni Calinisan.
Magugunitang ilang police officers na isinasangkot sa kaso ng 34 nawawalang sabungero ang ipinagharap ng kasong kriminal sa DOJ at administrative case naman sa NAPOLCOM.
“We will wait for the proper time, tamang panahon sa paglabas ng aming desisyon sa sabong cases para hindi naman empty ‘yung hustisya ng Pilipinas,” ayon pa sa opisyal.
(JESSE RUIZ)
26
