MULING binanatan ng Malacañang si Vice President Leni Robredo dahil halata umanong nasa campaign mode na ito kaya walang tigil sa pagbatikos sa pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, namumulitika ang bise presidente habang nasa panahon ng pandemya.
Pahayag ito ni Sec. Roque kasunod ng batikos ni VP Leni kaugnay sa umano’y kawalan ng medical intervention ng gobyerno sa gitna ng nararanasan pa ring health crisis.
Tugon ng kalihim, paano nasabi ni Robredo na walang intervention gayung napakababa ng mortality rate na nasa 1.7 lamang.
Ayon kay Sec. Roque, nandiyan din umano ang pagpapalawak ng hospital bed capacity gayundin ang mga kama para sa intensive care unit (ICU).
Babala pa ng kalihim, sa ganito umanong pagbubulag-bulagan at pamumulitika ni Robredo ay tiyak na magba-back fire o babalik ito mismo sa kanya at lalo lang magagalit sa kanya ang mga tao.
“Alam naman ninyo si VP Leni, talagang campaign mode na eh. Pero sa tingin ko, magba-backfire iyan. Kasi habang ikaw ay namumulitika sa panahon ng pandemya, lalong magagalit sa iyo ang tao. Sino ba naman ang nagsabing walang medical intervention na ginagawa. Eh kung walang medical intervention, tingin ninyo magkakaroon tayo ng 1.7 case mortality rate? Ibig sabihin, napakakaunti po ng namamatay kasi nga po mayroon tayong medical and non-medical interventions,” ani Sec. Roque.
Samantala, binanatan naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga kritiko ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, kriminalidad at terorismo.
Ang mga ito, ayon sa Pangulo ay mga pumasang human rights advocates para sirain ang gobyerno.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa High-Level General Debate of the 75th Session ng United Nations General Assembly, binigyang diin nito ang Anti-Terrorism law ng Pilipinas na pumasa habang nakikipaglaban ang bansa sa pandemya.
Ang bagong batas ay nakakuha ng local at international backlash na magagamit bilang tool o kasangkapan para usigin ang political opponents.
Ito ang unang pagkakataon simula nang maging Pangulo ng bansa na nagsalita si Duterte sa pagsasama-sama ng mga lider na isinagawa virtually dahil sa COVID-19 restrictions.
“A number of interest groups have weaponized human rights; some well-meaning, others ill-intentioned,” ani Pangulong Duterte.
“They attempt to discredit the functioning institutions and mechanisms of a democratic country and a popularly elected government which in its last two years, still enjoy the same widespread approval and support,” dagdag na pahayag nito.
“These detractors pass themselves off as human rights advocates while preying on the most vulnerable humans; even using children as soldiers or human shields in encounters. . . . They hide their misdeeds under the blanket of human rights but the blood oozes through,” aniya pa rin.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte sa international body na nananatiling committed ang kanyang administrasyon para protektahan ang human rights laban sa hampas ng terorismo, kriminalidad at ilegal na droga.
Aniya pa, ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang makibahagi sa “open dialogue and constructive engagement” sa United Nations. (CHRISTIAN DALE)
