SA halos dalawang taong nakalipas mula nang magkaroon ng pandemya, naoobserbahan ko na mukhang nasasanay na ang mga tao… natuto na silang tanggapin ang katotohanan at nasanay na sila sa kalagayan ng ating bansa.
Sanay na ang mga tao na makakarinig at makakabasa ng balita mula sa mismong gobyerno na libo-libo ang nahahawaan ng COVID-19 araw-araw, parang ordinaryo na lang sa kanila.
Mukhang manhid na rin ang mga tao na nakakabalita na araw-araw ay mahigit isang daan ang namamatay sa COVID-19. Pinamanhid ng kapabayaan ng mga nasa gobyerno na naatasang pangalagaan ang kalusugan ng mga Filipino.
Noong una, siyempre nababahala ang lahat, nalulungkot sila. Pero sa paglipas ng panahon, mukhang sanay na silang makatanggap ng balita na mahigit isang daang katao ang nasasawi sa COVID-19. Kung baga, inaasahan na nila ‘yun lalo na’t alam nila na sa unang sigwa pa lamang ng pandemya, mukhang hindi nagawa ng gobyerno ang mga dapat gawin.
Taliwas ‘yan sa ibang bansa tulad ng Australia na aligagang-aligaga ang kanilang mamamayan at mismo ang gobyerno kapag maraming namamatay sa kanilang bansa sa COVID-19.
Noong isang linggo, napakalaking balita sa Australia na may 77 ang namatay sa kanilang bansa sa pandemya. Parang katapusan na ng mundo sa kanila ang nasabing balita.
Nasabi tuloy ni Mang Domeng na kahuntahan ko: Tingnan mo ang Australia, 77 lamang ang namatay sa kanila sa COVID-19, napakalaking balita na pero dito sa atin, 137 ang mamatay, mahigit 200 ang namatay pero ordinaryong balita na lang!
Nitong mga nakaraang araw rin, naghigpit ang New Zealand upang makontrol ang community transmission nang magkaroon sila ng 9 Omicron case sa kanilang bansa.
Dito sa ating bansa, noong manawagan ang mga eksperto sa gobyerno, lalo na nang maghigpit at isara na ang border sa China matapos magkaroon ng kaso ng COVID-19
sa katauhan ng isang Chinese national mula Sa Wuhan, China, ang sagot ni Health Secretary Francisco Duque, huwag baka magtampo sa atin ang China.
Si New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern, kinansela ang kanyang kasal dahil sa 9 kaso ng Omicron sa kanyang bansa pero sa atin, maraming pagtitipon ang inorganisa mismo ang mga nakaupong lider natin.
At ang pinakamalupit, may nagpabaya kaya hindi ang bakuna na gusto ng mga tao ang unang naiturok sa kanila dahil sabi nga ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin, somebody drops the ball.
