NASAWING GURO NAG-SUICIDE HINDI MINARDER – BATANGAS PPO

BATANGAS – Nagpakamatay ang gurong natagpuang walang buhay at nakabitin sa bintana ng kanyang tinutuluyang apartment sa bayan ng Taal sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng umaga.

Ito ang paglilinaw ng Batangas Provincial Police Office matapos ang masusing imbestigasyon ng Taal PNP at mga taga SOCO  sa pagkamatay ng guro na si Meriel Magsino, 29-anyos.

Si Magsino ay natagpuang walang buhay at nakabigti sa grills ng kanyang apartment sa Barangay Mahabang Ludlod, Taal dakong alas-9:00 ng umaga noong Hunyo 29. Dalawang co-teacher ng dalaga ang nakadiskubre sa pangyayari.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Taal PNP, unang inakala na pinatay ang guro dahil may nakita ring ditong mga sugat sa tiyan.

At base sa pahayag ng caretaker ng compound, isang Mac Kevin Dimaculangan ang nakita nitong dali-daling umalis sa bahay.

Subalit ayon sa PNP, nang rebyuhin ang kuha ng CCTV ay ang kaibigan ng biktimang pari na si Fr. Johnsen Guevarra ang pumunta sa bahay ng biktima dakong alas-6:00 noong Miyerkoles ng umaga.

Umalis din ito kaagad matapos na walang sumagot sa apartment makaraan ang ilang beses na pagtawag sa guro.

Ayon sa pari, nag-message sa kanya ang biktima dakong ala-1:00 ng madaling araw na nagbabadya na may gagawin itong hindi maganda. Nang mabasa ito ng pari kinaumagahan ay agad niya itong pinuntahan.

Samantala, batay sa masusing imbestigasyon ng Taal Police at ng SOCO, napag-alaman na ang mga sugat ng biktima ay ‘self-inflicted’.

Wala ring nakitang palatandaan ng ‘struggle’ mula sa biktima.

Sa pagsusuri naman sa cellphone nito, nadiskubre ang tunay na dahilan ng pagpapakamatay nito at ito ay ang tungkol sa alitan nila ng kanyang boyfriend. Sinuportahan din ito ng mga nakuhang suicide letter mula sa bag ng biktima. Lumabas ang katotohanan na ang biktima ay kinitil ang kanyang sariling buhay. (NILOU DEL CARMEN)

 

565

Related posts

Leave a Comment