TINATAYANG 1.2 million commuters sa National Capital Region (NCR) pa lamang ang maaapektuhan sa ikinasang transport strike bukod pa sa epekto nito sa ekonomiya.
“Cruel and inhumane.” Ganito inilarawan ng isang lider ng mababang kapulungan ng Kongreso ang plano ng gobyerno na i-phaseout ang mga traditional na pampasaherong jeep sa Hunyo 30.
Ayon kay House ways and means committee chairman Joey Salceda, hindi dapat ipilit ng Marcos administration ang public utility jeepney (PUJ) phaseout hangga’t walang sapat na subsidy at tulong sa mga nasabing sektor para gawing makabago ang kanyang sasakyan.
Sa ilalim aniya ng Memorandum Circular No. 2023-13 na inisyu ng Land Transport Regulatory and Franchising Board (LTFRB), 50,000 traditional PUJ ang maapektuhan.
“Totally, I oppose it without government providing concrete assistance to help PUJs cooperativize or to provide ample seed funding for their cooperatives,” pahayag ni Salceda.
Hindi aniya biro ang halaga ng mga modernong PUJ na hindi kaya ng mga ordinaryong tsuper at operators dahil walang sapat na tulong ang gobyerno sa mga ito.
Mangangahulugan aniya ito na lalong dadami ang mawawalan ng hanapbuhay at lalala pa ang sitwasyon sa transportasyon na ang higit na matatamaan ay commuters.
“I think the policy is especially cruel and inhumane when there are no longer any PUJ subsidies in the budget. Cruel and inhumane when you consider that jeepney drivers were among the hardest-hit sectors over the past three years,” ayon pa sa mambabatas.
Sa katunayan ay nagkasa na ng isang linggong strike ang iba’t ibang grupo ng PUJ sa Marso 6 hanggang 12 dahil sa ibinabang direktiba ng LTFRB sa kanila na hanggang June 30 na lamang ang kanilang prangkisa.
DOTr pinakikilos
Samantala, pinakikilos ni Senador Grace Poe si Transportation Secretary Jaime Bautista upang mapigilan ang nakaambang isang linggong tigil pasada.
Sinabi ni Senate Committee on Public Services chairperson Grace Poe, dapat makipagdayalogo ang kalihim sa mga transport groups upang mapakinggan ang kanilang mga hinaing at maglatag ng makatotohanang solusyon sa jeepney modernization program.
Iginiit ni Poe na hindi dapat balewalain ang mga isyu o hinaing ng transport sector at kailangan maging bukas lagi ang kanilang linya ng komunikasyon para sa kanila.
Muli ring nanawagan si Poe sa DOTr at maging sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na magsumite ng report para malaman kung ano na ang narating at ano pa ang mga dapat gawin sa modernization program para sa pampasaherong jeepney.
Dapat anyang maging makatotohanan ang target at alamin kung ano ang kayang abutin sa takdang panahon ng planong pag-phaseout ng pampasaherong jeep.
Samantala, iginiit ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na dapat repasuhin ng pamahalaan ang patakaran nito sa nakaambang phase out ng mga traditional jeepney.
Sinabi ni Escudero na minadali ang planong phaseout kaya hindi maayos ang implementasyon at walang nakalaang safety nets para sa mga maaapektuhang tsuper.
Kasama anya sa dapat pag-aralan ang timetable sa pag-phase out, ang alok na financial package, subsidy at assistance sa mga masasagasaang tsuper at operators. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
666