(NI KEVIN COLLANTES/PHOTO BY JHAY JALBUNA)
MAY 10 paaralan na ang natukoy ng Department of Education (DepEd) na naapektuhan at nasira, nang yanigin ng magnitude 6.1 na lindol ang ilang bahagi ng Luzon nitong Lunes ng hapon.
Ito ay batay sa situational reports na inilabas ng Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ng DepEd, hanggang 9:30 ng umaga nitong Martes.
Ayon sa DepEd, kabilang sa mga paaralan na natukoy na nagtamo ng infrastructure damages ay ang (1) Laukan National High School (Main), sa Bataan; (2) Mabalacat Elementary School, Mabalacat City; (3) Malusac Elementary School, (4) Pio Elementary School, at (5) Camias High School sa Pampanga.
Napinsala rin naman ang (6) Subic Central Elementary School sa Olongapo City; (7) San Nicolas Integrated School at (8) Sindalan Elementary School sa San Fernando City; (9) Agusin High School sa Zambales; at (10) Cupang Senior High School sa Muntinlupa City.
Sinabi ng DepEd na kabilang umano sa mga pinsalang tinamo ng mga naturang paaralan ay pagkakaroon ng crack sa sahig, nasirang mga daan, corridors at mga school buildings.
Mayroon rin umanong bumagsak ang mga dingding, kisame at maging mga bakod.
Kaugnay nito, kaagad namang ipinag-utos ng DepEd ang pagsasaayos ng mga naturang paaralan upang matiyak na ligtas para gamitin ng mga guro at mga mag-aaral.
320