10-TAON KULONG SA EX-QC OFFICIALS SA 2001 MANOR HOTEL FIRE

sandigan

(NI JEDI PIA REYES)

HINATULAN ng Sandiganbayan 7th Division na guilty sa tatlong bilang ng kasong katiwalian ang ilang mga dating opisyal ng Quezon City gayundin ng Manor Hotel kaugnay sa naganap na sunog nuong 2001.

Sinintensyahan ng pagkakapiit ng anim hanggang 10 taon bawat kaso sina dating City Engineer Alfredo Macapugay at electrical division chief Romeo Montallana ng Quezon City Engineering Office.

Natukoy din na guilty beyond reasonable doubt sina Engineer Romualdo Santos, inspector Gerardo Villasenor, inspector Rodel Mesa; ang mga may-ari at incorporator ng Manor Hotel na sina William Genato, Rebecca Genato, Marion Fernandez at Dionisio Agengino; at ang hotel manager Candelara Arañador.

Binigyang-diin ng anti-graft court na itinuloy ang operasyon ng hotel sa kabila ng mga natukoy na structural at safety violations nuong 1999 hanggang sa mangyari ang sunog noong gabi ng Agosto 18, 2001.

Aabot sa 74 na tao ang namatay habang marami ang nasugatan sa nasabing sunog.

Maliban sa pagkakapiit, pinatawan din ng perpetual disqualification sa paghawak ng ano mang posisyon sa gobyerno at hindi pagbibigay ng retirement benefits ng mga dating opisyal ng gobyerno.

Patuloy pa ring pinaghahanap ang co-owner ng hotel na si Antonio Beltran habang pumanaw na si Porfirio Germina bago pa maibaba ng korte ang hatol nito.

Kabilang sa mga binigyang-diin ng Sandiganbayan sa desisyon nito ang limitadong electrical supply sa hotel, walang smoke detection at water sprinkling system, kakulangan sa fire alarm system na gumising sana nuon sa mga natutulog na kustomer, kakulangan ng fire drill sa mga empleyado, hindi mapasok na fire exits at ang paglalagay ng mga bakal na grill kaya’t hindi agad nakalabas ang mga bisita na gustong tumakas mula sa nasusunog na gusali.

255

Related posts

Leave a Comment