129,117 ‘di pa na-swab COVID POSITIVE SA PNP, UMAKYAT SA 9,757

MULA sa 219,467 strong Philippine National Police, umaabot na sa 9,757 ang bilang ng mga pulis na nagpositibo sa coronavirus disease, kabilang ang 16 tauhan ng PNP Police Regional Office 7 na kinumpirma nitong Sabado na positibo rin sa COVID-19.

Samantala, sa datos na ibinahagi ni Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, Deputy Chief for Administration at kasalukuyang Administrative Support for COVID-19 Task Force (ASCOTF) commander, may 42 bagong kaso ang naitala sa hanay ng PNP nooong Biyernes.

Subalit nasa 9,244 naman ang gumaling habang nanatili sa 28 ang bilang ng nasawing pulis ng dahil sa COVID-19.

Nabatid na 58.83 porsyento o 129,117 kasapi ng PNP ang hindi pa sumasailalim sa swab testing o walang RT-PCR TEST (real-time reverse transcription polymerase chain reaction test).

Umaabot naman sa 41.17 percent o total na 90,350 PNP personnel ang sumailalim na sa pagsusuri.

Nitong Sabado, kinumpirma ni PNP-PRO7 Director Gen. Ronnie Montejo, 16 pulis mula sa iba’t ibang parte ng Rehiyon 7 ang nagpositibo sa virus, halos apat na buwan ang nakalipas magmula nang wala nang naitalang aktibong kaso.

Isinailalim na sa isolation at contact tracing ang mga nagpositibong pulis.

Mula sa 16 naitala, 14 nito ang aktibo habang nakarekober na ang dalawa sa mga ito.

Nagmula ang mga nagpositibo sa lungsod ng Cebu at dalawa naman ay mula sa Bohol.

Kamakailan lang, inanunsiyo ng Cebu City Police Office (CCPO) na nagpositibo ang isa sa mga tauhan nitong idineploy sa Basilica del Sto. Niño kasabay ng Fiesta Señor.

Samantala, patuloy namang pinaalalahanan ng opisyal ang mga nasasakupan nito na sundin pa rin ang health protocols kahit pa man nakauwi na ang mga ito galing sa trabaho. (JESSE KABEL)

113

Related posts

Leave a Comment