ANTI-ENDO BILL PEKE, OBRERO LULUSOB SA KAMARA

endo32

(NI BERNARD TAGUINOD)

SUSUGOD sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga kababaihan at mga manggagawa upang i-protesta ang umano’y mapanlinlang na anti-endo bill na hindi na idinaan sa bicameral conference committee.

Ito ang nabatid kina Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Emmi de Jesus kung saan pupunitin umano ng mga ito, kasama ang mga manggagawa mula sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ang “Fake Anti-Endo Bill.

Ang tinutukoy ng dalawang babaing mambabatas ay ang Senate Bill (SB) 1826 na in-adopt ng Kamara kaya ang ipinaglabang bersyon ng mga kongresista ay nabalewala na.

“If signed into law, SB 1826 will provide big companies a solid legal basis to skirt direct regularization of contractual workers,” pahayag ni Brosas dahil inaasahan ie-enroll na ang nasabing panukala sa Office of the President upang malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at nang may maipagmalaki ito sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 22.

Ayon naman kay De Jesus, walang dapat ipagbunyi sa nasabing panukala lalo na ang mga kababaihang manggagawa sa mga malls o ang mga saleslady dahil hindi nila mapakikinabangan ang nasabing batas kung sakaling pirmahan ni Duterte.

Sinabi ng lady solon na maaaring ideklara ng may-ari ng kompanya ang mga kababaihang manggagawa na walang direktang kinalaman ang mga ito sa kanilang kompanya kaya hindi sila maaaring iregular.

“Puwedeng sabihin bilang palusot ng mga employers na ang trabaho ng iba nilang tauhan ay walang direktang kinalaman sa ginagawa ng kompanya kaya puwede silang i-subcontract,” ani De Jesus.

Taliwas ito sa panawagan aniya ng lahat ng manggagawa na iregular sila ng mga kompanyang pinagtatrabuhan, may kinalaman man o wala ang kanilang trabaho sa negosyo ng kanilang employer.

“Kahit hindi ka parte sa paggawa ng product ng kompanya dapat kang iregular pero sa SB 1826 ay hindi iyan  mangyayari kaya hindi mamamatay ang endo, lalong lalakas ang endo,” ayon pa kay Brosas.

 

240

Related posts

Leave a Comment