(NI NOEL ABUEL)
POSIBLENG gawing state witness ang dalawang Bureau of Corrections (BuCor) officials kung ibubunyag ang mga katiwalian sa loob ng bilibid.
Kasabay nito, pinayuhan ni Senate President Vicente Sotto III ang dalawang opisyal ng Bucor na mas mabuting magsalita na lamang sa nalalaman ng mga itong illegal na gawain sa National Bilibid Prison (NBP) upang malinis ang mga ito sa kasalanan.
Ayon kay Sotto, dapat na mag-isip ng mabuti sina Atty. Fredric Anthony Santos at BuCor documents section chief Ramoncito Roque kung ano ang gustong mangyari sa buhay ng mga ito sa oras na mapatunayang nagsisinungaling at nagmamatigas na magsabi ng katotohanan sa nangyayaring kurapsyon sa NBP.
Aniya, maaaring maging state witness ang mga ito kung magsasabi lamang ng katotohanan sa pagdinig ng Senate Justice and Human Rights, at sa mga senador.
“If I were in their shoes, I would tell all. As a matter of fact, baka mapunta ka nga sa witness protection program. Mapapabuti ka pa ngayon because right now, what are they facing. They already good as fired. They were suspended, I don’t think the President is going to, will allow them, to reassign or reappoint them. So where are you going? You are facing possible charges,” paliwanag pa ni Sotto.
Sinabi pa ni Sotto na nagalit si Senador Panfilo Lacson nang umatras sina Santos at Roque nang magsabi ang mga ito ng kahandaang magsabi ng nalalaman sa iregularidad sa NBP.
“Senator Lacson informed me that before that hearing, Thursday morning, they wanted to see is private and perhaps in executive session would like to divulge some information. So we prepared my office at naghintay kami, dumating sila. Tatlo lang ‘yung dumating, merong dalawa pa dapat na dumating, na-late but when kausap naming sila apparently nagbago ng isip. Disappointed si Senator Lacson,” sabi pa ni Sotto.
Malalaman lamang aniya kung mangyayari na bumaligtad ang mga NBP officials ngayong ikaanim na pagdinig ng nasabing komite bukas, Huwebes.
118