HINDI pa man ganap na naipatutupad ang batas na nagtatakda ng dalawang distrito ng Southern Leyte, pinabubuwag na ito ng mismong may akda ng Republic Act (RA) 11198 na si Rep. Roger “Oging” Mercado.
Sa kanyang House Bill 6071 na inihain ni Mercado noong Enero 27, 2020 o mahigit isang buwan matapos siyang iproklama ng Commission on Elections (Comelec) noong Disyembre 17, 2019, nais nito na amyendahan ang RA 11198 na nagtatakda na hatiin sa dalawang distrito ang Southern Leyte.
“An Act proving for the reappointment of the province of Southern Leyte into two (2) legislative districts” ang pamagat ng panukala ni Mercado gayung nabigong ipatupad ang nasabing batas noong 2019 election at maging sa itinakdang special election noong Oktubre 25, 2019.
“The said act (RA 11198) has exposed the unforeseen economic cost of maintaining two congressional district which seen unsustainable at this time given the limited resources of the government,” paliwanag ni Mercado sa kanyang panukala.
“Moreover, the ensuing political turmoil that followed the redistricting has cast some dark clouds on the economic future of the second district. Obviously, the political struggle of neophytes seeking to represent the second district raised some deep concerns among local leaders who doubt the continuity of the good programs laid by the highly competent representatives recently. They felt abandoned by the season veteran that used to represent them. Fears of an economic slowdown out of poor political representation quickly spread among constituent,” dagdag pa nito.
Gayunpaman, hindi lingid sa mga taga-Southern Leyte ang kasong isinampa ni dating St. Bernard Town Mayor Napoleon Cuaton sa Korte Suprema at maging sa Office of the Ombudsman matapos iproklama ng Comelec si Mercado noong Disyembre 17, 2019.
Dating political ally umano ni Mercado si Cuaton na nagsampa ng kaso dahil hindi ipinatupad ang RA 11198 noong May 13, 2019 at maging ang special election noong Oktubre 25, 2019 na paglabag umano sa nasabing batas.
Kinuwestiyon ni Cuaton ang pagpoproklama kay Mercado gayung itinuturing na failure ang congressional election sa kanilang lalawigan dahil hindi ipinatupad ng Comelec ang nasabing batas.
Hindi pa sumasagot si Mercado nang kunin ng Saksi Ngayon ang kanyang panig hinggil sa inihain nitong panukala. Noong nakaraang linggo, wala itong komento nang hingan ng reaksyon sa kasong isinampa ni Cuaton laban sa Comelec. BERNARD TAGUINOD
90