(NI FROILAN MORALLOS)
INILIPAD na ng Philippine Airlines (PAL) ang dalawang Philippine eagle patungong Singapore bilang bahagi ng breeding agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Napag-alaman na ang dalawang Philippine eagle na nagmula pa sa sanctuary sa Davao ay ilalagak sa Wildlife Reserves Singapore (WRS), isa sa mga zoological facility at pinakamalaki sa Asia.
Batay sa nakalap na impormasyon, ito ang kauna-unahang international Philippine Eagle Loan Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Singapore na may 50 taon diplomatic relations.
Si Geothermica ay 15 taon gulang na isinilang noong January 7, 2004, at si Sambisig ay 17 taong gulang na ipinanganak noong Nov 17, 2002.
Ang dalawa ay inisyuhan ng passport ng Department of Foreign Affairs kung saan mananatili ang mga ito sa Jurong Bird Park sa loob ng 10 taon.
Ang layunin nito na tiyakin na may matitirang Philippine eagles para sa breeding kung sakaling magkaroon ng outbreak o mga sakit katulad ng Avian flu na maaaring makaapekto sa populasyon sa bansa.
Umaasa ang Philippine Eagle Foundation na sa pamamagitan ng Eagle Loan Agreement, makasisiguro sila na may conservation para sa mga agila laban sa natural calamities.
166