(NI DANG SAMSON-GARCIA)
LUSOT na sa Senado ang panukala na palawigin ang paggamit ng 2019 national budget hanggang sa pagtatapos ng 2020 makaraang maantala ang approval nito sa loob ng kalahating taon.
Sa botong 19-0, inaprubahan ng Senado ang pag-adopt sa House Bill 5437 nang walang anumang pagbabago upang mas maging mabilis ang pag-transmit nito sa Malakanyang.
Sa sandaling malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala, mangangahulugan ito na maaari nang hindi muna ibalik sa National Treasury ang nalalabi pang budget upang magamit sa mga proyekto.
Ayon kay Senate Committee on Finance, hanggang September 30 ngayong taon, nasa P261 billion pa ang hindi pa nailalabas mula sa 2019 budget.
Ipinaliwanag pa ni Angara na dahil sa ilang buwang reenacted budget noong 2019 at naabutan din ng election ban, maraming mga proyekto ang nabimbin.
“Wala tayong bagong budget kaya yung mga bagong proyekto, hindi naumpisahan. That’s why we want to extend yung validity nung 2019 budget,” diin pa ni Angara.
Sa gitna naman nito, iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang mga ahensya ng gobyerno na iwasan na ang mga nakasanayang kaugalian hinggil sa paggatos ng budget, partikular ang mga tinatawag na pasaload at maging ang mga walang katuturang pagpapalabas ng pondo para lamang masabi na nagastos ang pondo.
Ipinaliwanag ni Recto na ang pasaload ay ang paglipat ng pondo para sa proyekto ng isang ahensya patungo sa ibang tanggapan upang hindi ito maibalik sa National Treasury.
“Hindi rin dapat basta lang masabi na magasta ang pera ay gagamitin na lang sa walang katuturan na planning, seminar, workshops, meetings sa mga hotel resort o pribadong mga restaurant. Activities like this are not excursions to see new sites but activities to learn new things,” saad ni Recto sa kanyang pagpapaliwanag ng boto para sa approval ng panukala.
316