(NI DANG SAMSON-GARCIA)
HINIKAYAT ni Senador Sonny Angara ang mga ahensya ng gobyerno na gastusin na ang kanilang mga natitira pang pondo ngayong taon upang makumpleto ang mga mahahalagang infrastructure at social projects.
Ito ay upang makamit ng bansa ang target nitong paglago ng ekonomiya para sa taong 2019.
Ginawa ni Angara ang panawagan bilang tugon sa pahayag ng Department of Budget and Management (DBM) na halos 96 percent na ng P3.662 trilyong national budget ngayong taon ang nailabas na sa pagtatapos ng Setyembre.
Itinakda ng economic managers sa 6 hanggang 7 percent ang growth target ngayong taon subalit dahil sa naantalang budget approval at delay sa implementasyon ng mga proyekto, malaki ang posibilidad na maibaba ito.
Hinimok ni Angara ang lahat ng ahensya ng gobyerno na doblehin ang kanilang pagsisikap upang maibigay sa taumbayan ang nararapat na serbisyo at pagbutihin ang paggatos sa nalalabing dalawang buwan ng taon.
“It’s not just infrastructure but also on the delivery of social services that have faced delays. For the poor families, every bit of help they can get from the government means a lot to them and goes a long way to making ends meet. We should do everything to make sure our people don’t feel shortchanged by the government,” saad ni Angara.
Sa tala ng Department of Finance, umabot na sa 92% ang infrastructure spending habang ang total disbursements ay nasa 98 percent.
Iginiit ni Angara na ang paggastos sa imprastraktura ay magbibigay ng trabaho sa iba’t ibang industriya at magpapalakas ng economic growth.
Bumagal sa 5.5 percent ang economic growth noong second quarter dahil sa delay ng pagpapasa ng national budget subalit tiwala ang economic managers na muli itong babalik sa 6 percent noong third quarter.
160