(NI ABBY MENDOZA)
KINUMPIRMA ni House Committee on Ways and Means at Albay Rep. Joey Salceda na raratipakahan na ng Kamara sa Lunes, Disyembre 9, ang bicameral conference committee version ng 2020 P4.1-trillion national budget bill.
Ayon kay Salceda, ang mga hindi napagkasunduang probisyon sa budget ay kanila nang napagkasunduan kaya wala nang hadlang na maipasa ang budget.
“By Monday we will be signing. All significant differences have essentially been reconciled”pahayag ni Salceda.
Aniya, naresolba ang mga isyu sa pagitan ng bersyon ng Senado at Kamara sa pamamagitan ng pagsilip nilang muli sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Malacanang.
“There was an agreement to go back to NEP and to consider amendments or disagreeing provisions towards an agreement by Monday,” paliwanag ni Salceda.
Sinabi ni Salceda na nakatulong ang naging one on one meeting sa pagitan nina House Committee on Appropriations chair Isidro Ungab at Senate Committee on Finance chair Sonny Angara para matalakay ng maayos at mabilis ang mga probisyon na hindi agad napagkasunduan.
Matapos malagdaan ay agad na isusumite ang naratipikahang budget kay Pangulong Rodrigo Duterte para lagdaan ito.
Ani Salceda, Disyembre 21 isusumite ang mga dokumento kay Pangulong Duterte, bago matapos ang taon ay pirmado na ito at nakasisigurong sa Enero 1,2020 ay may national budget na iiral.
200