3 BUCOR OFFICIALS KULONG SA SENADO 

(NI DANG SAMSON-GARCIA/PHOTO BY DANNY BACOLOD)

TILA naubusan na ng pasensya ang mga senador sa ilang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na patuloy sa pagtanggi sa mga sinasabing katiwalian sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Sa motion ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na sinegundahan ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at hindi tinutulan ng iba pang miyembro, isinailalim sa contempt order sina Bucor Legal Chief, Atty. Frederick Santos; Documents Division chief Ramoncito Roque at Medical Officer Ursicio Cenas.

Ito ay makaraang sabihin ni Lacson na patuloy ang pagsisinungaling sa kanilang harapan ng tatlong BuCor officials.

Sa gitna naman ng deliberasyon sa mosyon, iginiit ni Cenas na bigyan naman sila ng respeto ng Senado.

“Respeto rin po kasi masakit po sa damdamin na dahil lang po sa perang nakabalot sa papel na hindi ko naman alam kung magkano mako-contempt ako,” saad ni Cenas na patuloy na naninindigan na hindi siya sangkot sa anumang katiwalian.

Patuloy naman ang paninindigan ni Roque na wala siyang alam sa GCTA for sale kasabay ng pagtuturo kina CO3 Veronica Buno at Insp. Maria Benilda Bansil na sangkot sa iregularidad.

Nilinaw naman ni Gordon na hindi pa naisama sa contempt sina Buno at Bansil sa contempt order dahil hinihintay pa nila ang findings ng NBI sa kanilang mga cellphone.

207

Related posts

Leave a Comment