(NI DAHLIA S. ANIN)
SA darating na eleksiyon sa Mayo 13, nakahanda na ang 300,000 volunteers mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), isang election watchdog.
Ang PPCRV ang tatanggap ng ikaapat na kopya ng election returns at magsasagawa ng unofficial parallel na pagbibilang ng boto katulad ng mga ginagawa noong mga nakalipas na eleksiyon.
Ayon kay PPCRV chair Myla Villanueva, bagama’t kalahati lamang ang bilang ng kanilang volunteers kaysa noong 2016 elections ay tiwala silang makakaya nila ang kanilang trabaho lalo pa’t noong mga nakaraan nilang pagpupulong, kasama ang ilang coordinators sa buong bansa, ay nakahanda na silang mag-cover ng kahit ilang presinto bukod pa sa kanilang assignment.
Nakatalaga sa St. Pope John XXIII Hall sa Pope Pius XII Catholic Center sa United Nations Avenue sa Maynila ang opisyal na tanggapan nito at may mga nakalinyang computer sa loob ng kanilang command center kasama ang tatlong malalaking screen. Bukas din ito 24-oras ilang araw matapos ang eleksyon, ayon kay PPCRV Executive Director Maribel Buenaobra.
Sa kabilang banda, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na sila ang magsasagawa ng huling testing at final sealing sa mga vote counting machines na gagamitin sa eleksiyon.
Tiwala siya na magiging maayos at tahimik ang eleksiyon na naayon sa kanilang plano.
151