(NI DAVE MEDINA)
NAKABALIK na sa bansa ang may limamput limang overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Jordan Linggo ng hapon dakong alas 3:23 sakay ng Etihad Airlines Flight EY424.
Karamihan sa mga babaeng OFWs ay may kasamang mga anak na sa Jordan na ipinanganak pero hindi pinahintulutan ng mga awtoridad na manatili roon.
Bago nakauwi ay nag-alok ang gobyerno ng Jordan ng amnesty sa mga undocumented foreign nationals laluna ang mga Filipino na manggagawa doon, kasama na ang mga Filipina na nakapag-asawa ng kanilang mamamayan.
Ang iba sa OFWs ay may problema naman sa kanilang trabaho, amo o kaya naman ay kontrata kaya piniling sunggaban ang alok na amnesty ng Jordan para makabalik ng Pilipinas nang hindi hinuhuli sa airport.
Sa pagbalik sa bansa ng 55 distressed OFWs, nangako naman ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magkakaloob ng ayuda at pansamantalang matutuluyan ang mga ito na hindi pa makakauwi sa kanilang mga tahanan laluna na ang mga taga probinsya.
Samantala, ang mga OFWna may kasamang anak sa pagbalik sa bansa ay isasailalim sa psycho-social intervention dahil inaasahang may kaakibat na problema ang kanilang naging pamamalagi sa Jordan at magiging daan sa kakaharaping problema kapag nakapiling na ang kanilang mga kamag-anak sa bansa.
333