75,000 sako ng bigas paluging binenta TRANSAKSYON NG NFA AT 2 TRADERS BUBUSISIIN

(DANG SAMSON-GARCIA)

AMINADO si Senador Imee Marcos na nakaaalarma ang kontrobersiya sa National Food Authority (NFA) na tila tuluyan na itong nawala sa landas at hindi na nagagampanan ang tunay nilang tungkulin.

Sinabi ni Marcos na ang Pilipinas na ngayon ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo at ang kawalan ng suplay ngayon ay lalo pang magiging matindi sa darating na mga buwan dahil sa epekto ng El Niño.

Dahil dito, inihain ni Marcos ang Senate Resolution 940 para imbestigahan ang kahina-hinalang pagbebenta ng NFA ng 75,000 sako ng bigas sa dalawang negosyante habang maraming mamimili ang humihirit ng mas murang bigas.

Sinabi ni Marcos na layun ng pagtatatag ng NFA ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos na bumili ng palay mula sa mga magsasaka, panatilihing mababa ang presyo ng bigas para sa mga Pilipino, at tiyakin ang sapat na buffer stock para sa mga kalamidad.

Gayunman, madalas na hindi natutugunan ng ahensya ang kinakailangang buffer stock at hindi makaya ang mas mataas na presyo ng palay sa mga magsasaka, na umaabot sa P27 kada kilo noong nakaraang taon.

Bagama’t bumaba na ang presyo ng palay sa P23, iginiit na rin dati ng NFA na may kakayahan itong suportahan o bigyan ng subsidiya ang mga lokal na magsasaka.

Samantala, ilalabas sa lalong madaling panahon ng panel na nagsisiyasat sa “improper sale” ng libo-libong tonelada ng NFA rice ang natuklasan nito sa kanilang imbestigasyon.

Nauna rito, ipinag-utos ni DA Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel ang imbestigasyon sa alegasyon na ibinebenta ang NFA rice sa ilang mangangalakal sa presyong ‘disadvantageous’ sa gobyerno.

“Walang binigay na specific deadline si Secretary, pero doon sa phase na kino-conduct iyong review, we can expect very soon mayroon ng lalabas na resulta iyong mga panel of investigator,” ayon kay Assistant Secretary Arnel de Mesa, tagapagsalita ng DA.

Sa katunayan, nirerebisang mabuti ng panel ng mga imbestigador ang mga dokumento ukol sa nasabing usapin.

“Ongoing na iyong investigation, nagre-review na ng mga documents iyong panel of investigators at marami na rin na-conduct na interview and we’re expecting very soon ay mayroon nang updates dito sa nangyayaring investigation,” ayon pa rin kay De Mesa.

Kahapon, iniulat na pinatawan ng preventive suspension ng Office of the Ombudsman si NFA Administrator Roderico Bioco at ang nasa 139 opisyal at empleyado ng ahensya.

Suspendido naman ng anim na buwan na walang sweldo sina Assistant Administration for Operations John Robert Hermano at iba’t ibang regional supervisors ng NFA at mga warehouse manager.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

43

Related posts

Leave a Comment