90-DAY OIL RESERVES IGINIIT  SA SENADO

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

IGINIIT ni Senador Win Gatchalian na panahon na upang pag-aralan ng pamahalaan ang pagdaragdag ng oil reserves ng bansa kasunod ng nangyaring kaguluhan sa Saudi Aramco.

Sinabi ni Gatchalian na isa sa solusyon sa problema ng bansa sa suplay ng langis ay gawing 60 o hanggang 90 days ang reserbang langis ng mga kumpanya na ngayon ay 30 days lamang.

“Yan ang isang pag-aaralan namin at ng DOE dahil sa ibang bansa 90 days. Yung iba nga mas matagal pa at ‘di nila ginagalaw yan, meron silang permanent reserve, kaya pag-aaralan namin kung dapat pang lakihan ang stock dahil ‘di natin alam kung may gulo pang mangyayari sa Middle East,” diin ni Gatchalian.

Ang ganitong hakbangin naman aniya ay hindi na nangangailangan ng batas at dapat lamang magpalabas ng Department Circular ang DOE.

Subalit isa rin anya ang pinag-aaralan ng DOE ay ang pagkakaroon ng strategic reserves na tatagal ng isa o hanggang dalawang taong suplay.

“Meron na silang isang sinabi during the hearing yung strategic reserves . 1 o 2 years, ito kailangan yan ng batas. Kasi dapat may pondo at may framework kung kelan gagamitin ang strategic reserve,” paliwanag ni Gatchalian.

Bukod sa pagpapalaki ng reserba, dapat din anyang isulong ang iba pang solusyon tulad ng paggamit ng E-vehicles at renewable energy upang mabawasan ang konsumo ng bansa sa langis.

Sa ngayon, 98% ng kinakailangang langis ng bansa ay iniaangkat lamang sa ibang bansa kaya’t madaling maapektuhan ang Pilipinas kapag may nangyaring aberya partikular sa Middle East.

110

Related posts

Leave a Comment