(NI JESSE KABEL)
NASA 98 alkalde sa bansa ang nahaharap sa suspensiyon sa kakulangan o kawalang aksiyon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na clearing operation sa kanilang nasasakupan.
Sa kabilal nito, kuntento ang Pangulo sa isinumiteng report ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagtanggal ng mga LGUs sa mga obstruction sa mga kalsada sa buong bansa.
Kailangan ding magpaliwanag ang 98 local government units kung bakit hindi sila nakasunod sa kautusan ng Pangulo.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, binati pa ng Pangulo ang kagawaran at mga lokal na opisyal na nakibahagi sa nationwide road clearing.
“He is very satisfied and congratulated the DILG and the LGUs with resounding applause from him and the Cabinet members,” pahayag ng kalihim.
Batay sa datos ng DILG, nasa 6,899 na mga lansangan ang natanggalan ng mga obstruction sa loob ng 60 araw kung saan 612 dito ay sa Metro Manila.
Habang umabot 1,148 na iba pang lokal na pamahalaan ang pumasa sa DILG validation at binigyan ng rank na high, medium o low compliance.
Gayunman, 98 na lokal na pamahalaan ang bagsak o hindi nakasunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin ang mga obstruction.
Una ng inihayag ng DILG na ngayong linggo ay magpapalabas ang kagawaran ng show cause orders sa may 98 local governments na bigong makatugon sa ipinag-utos na road clearing operations sa kanilang nasasakupan.
202