AKTIBO, RETIRADONG GENERAL, NASA LISTAHAN NG ‘NINJA COPS’ 

(NI NOEL ABUEL)

AABOT sa ranggong hanggang heneral ang mga itinuturong kabilang sa ‘Ninja cops’ na sangkot sa pagre-recycle ng illegal na droga sa loob ng Bureau of Corrections (Bucor).

Ito ang sinabi ni Senador Christopher Lawrence Go subalit tumanggi itong tukuyin ang pangalan ng mga pulis na kasama sa listahang ipinakita ni dating Criminal Investigation and Detections Group (CIDG) chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa executive session sa Senado.

Aniya, tanging si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang may karapatang magsabi ng pangalan ng mga pulis na sangkot sa illegal na droga tulad ng ginawa nitong pagpapakita ng mga pangalan ng mga pulis na sangkot sa illegal drugs.

“Nanghihina si Pangulo kapag naririnig niya na may nasasangkot na pulis. Ako naman malaki ang tiwala ko sa mga pulis at mayorya sa mga ito ay matitino at maayos naman silang lahat meron lang talagang konting bad eggs na dapat mawala at di mahawa ang iba,” sabi ni Go.

Sinabi pa nito na isasailalim sa validation kung totoo ang impormasyong ibinulgar ni Magalong noong tumestigo ito sa nakalipas na pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights kung saan sakaling makumpirma ito ay tiyak na mananagot sa batas.

“Kino-consolidate po muna namin ni Pangulo ang listahan ng report mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Intelligence community, at pinapa-cross validation ni Pangulo ang lahat ng iyan lao na po itong nabalitaan niyang ninja cops ang sangkot sa pagre-recycle ng droga at sabi niya kailangang malaman ng publiko and soon I think he would personally announce,” sabi ni Go

“Heads will roll, nakikita naman sa Senado after several hearings may nangyayari. Lahat po niyan ay magkakaroon ng validation, ‘yung 100 porsiyento na siguradong sangkot sila,” paglilinaw pa ni Go.

Sinabi pa ng senador na ilan sa mga heneral at ilan pang pulis ay pawang aktibo pa sa Philippine National Police (PNP).

Kung ito aniya ang masusunod ay pabor din itong sabihin sa susunod na pagdinig sa Oktubre 1 ang pagkakakilanlan ng mga ‘Ninja cops’.

“Why not, pabor ako na sabihin sa hearing, karapatan ng publiko na malaman nila malay mo katabi na pala nila,” ayon pa kay Go.

Sinabi pa nito na nananatili ang reward na P1M sa sinumang makakapatay sa ‘Ninja cops’.

“Andiyan pa rin ang reward na P1M sa Ninja cop pag patay,  pag buhay P.5M, at paglumaban P2M,” sabi pa nito.

176

Related posts

Leave a Comment