(NI LYSSA VILLAROMAN)
ITINAKDA ng Pamahalaang Lungsod ng Makati ang pagbebenta sa mga ari-arian na matagal nang hindi nababayaran sa lungsod ng mga delinkuwenteng taxpayers ang kanilang obligasyon na aabot sa P5.505 bilyon.
Ito ay napag-alaman sa Commission on Audit (COA) base na rin sa kanilang huling isinagawang audit sa lokal na gobyerno.
Base sa dokumento ng Makati City Auditor na sa pagitan ng 2009 hanggang 2018, ang kabuuang hindi nabayarang buwis ay aabot mula P400 hanggang P800 milyong kada taon na ang may pinakamataas na naitala ay umabot sa P819.993 milyon noong nakaraang taon.
Ayon sa COA, hindi naipatupad ng lokal na gobyerno ang pagpupursige sa pangungulekta ng buwis na naaayon sa batas partikular na ang paglalathala ng “power to sell at public auction property of taxpayers” ng mga delingkwenteng taxpayers.
Dagdag pa ng COA na ang pagbebenta ng ari-arian ang isang pamamaraan laban sa mga delingkwenteng taxpayers na nakasaad sa Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code.
Sinabi din ng COA na ang pagbebenta ng mga ari-arian ang may pinakamainam na pamamaraan sa pangongolekta ng buwis dahil sa banta ng pagkawala sa pagmamay-ari ng kanilang mga ari-arian na napupwersa sa pagbabayad ng kanilang mga buwis.
Sa panig ng Makati City Treasurer’s Office, sinabi nito na naging epektibo naman ang paglalathala ng “public auction” ngunit kinakailangan din muna nilang maniguro sa kanilang mga kilos upang makaiwas sa mga legal na isyu.
326