(NI MAC CABREROS)
ITINAKDA ng Pasig Regional Trial Court Branch 265 sa Mayo 2 ang pagbasa ng sakdal kay Rappler CEO at Executive Editor Maria Ressa.
Inaasahang maghahain ng not guilty plea si Ressa, kasama ang dalawang miyembro ng Board, sa kasong Anti-Dummy Law kung saan una na siyang naglagak ng piyansa. Nasa ibang bansa sa kasalukuyan si Ressa.
Nauna nang nagsalang ng not guilty plea ang kapwa akusadong sina Rappler managing editor Glenda Gloria at board members Manuel Ayala, Felicia Atienza, Nico Jose Nolledo, at James Velasquez.
Nahaharap sa kaso ang lahat miyembro ng Board dahil sinasabing pinayagan ang Omidyar Network Fund, isang dayuhang corporation, bilang bahagi ng operasyon ng Rappler. Pinasinungalinan naman ito ng pamunuan ng Rappler at sinabing pag-aari ng mga Pinoy ang kompanya.
Nahaharap sa iba pang kaso ang Board ng Rappler makaraang bawiin ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang certificate of incorporation ng kompanya.
Ilang artikulo ng Rappler na nailathala online ang kontra sa administrasyong Duterte.
135