(JG TUMBADO)
NASA desisyon na ng mga police commanders ang pagre-review at pagsasagawa ng ‘rigodon’ sa hanay ng mga binuong Drug Enforcement Unit (DEU) sa bawat istasyon ng pulis.
Ito ay matapos ang magkakasunod na insidente ng pangingikil at kidnapping na gawa umano ng mga naarestong pulis mula sa DEU ng Eastern Police District (EPD) at DEU Pasay Police Station 1.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde una nya nang inatasan ang mga police commanders na pumili ng kanilang mga tauhan na mapapabilang sa DEU at kung papalpak ang mga ito sa mga napili ay papasanin sa balikat ito ng police commander.
Giit ni Albayalde, responsibilidad ng mga police commanders kung may gagawing kalokohan ang mga piniling tauhan para mapabilang sa DEU.
Ang mahalaga aniya ay naging mahigpit ang kanilang paalala sa mga police commander na maging maingat sa pagpili.
Sinabi pa ni Albayalde na tuloy tuloy ang training sa mga ito pero para sa opisyal ay kung talagang ayaw matuto at ayaw magtrabaho ng maayos ay talagang nagiging problema ito ng PNP at malayo pa umano ang mararating ng kanilang kampanya sa internal cleansing.
355