(NI BETH JULIAN)
PINALAGAN ng Malacanang ang pahayag ni dating Supreme Court spokesperson Atty. Theodore Te na labag sa Konstitusyon kung pababalikin pa ng bilangguan ang halos 2,000 preso na nakalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo, walang paglabag o violation kung ibabalik ng kulungan ang mga bilanggo.
Una nang inihayag ni Te na labag sa Article 3, Section 22 ng 1987 Constitution, kung pababalikin pa ng bilangguan ang halos 2,000 preso na nakalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance.
Iginiit pa ni Te na sa ilalim ng Article 99 ng Revised Penal Code, hindi maaring ma-revoke ang GCTA.
Nakasaad naman aniya sa Republic act 10592 o GCTA na may kaakibat itong kondisyon.
Sinabing kung hindi nag-qualify ang mga bilanggo sa kondisyon na isinasaad sa GCTA, maaari naman silang maibalik ng kulungan.
Sa ngayon, nasa pagpapasya na ng Department of Justice (DoJ) at Bureau of Corrections (BuCor) kung ipaaarestong muli ang mga nakalayang bilanggo o kung anong hakbang ang dapat na gawin.
Giit ni Panelo na maaring ipaarestong muli ang mga nakalayang bilanggo kung makikitang hindi sila kwalipikado sa GCTA bagay na pinalagan ni Te.
124