Bayanihan 3 umusad na sa Kamara P2K NA LANG AYUDA KADA PINOY

0

(BERNARD TAGUINOD)

INAPRUBAHAN na sa committee level sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Bayanihan 3 at inaasahang pagtitibayin ito sa plenaryo pagbalik ng mga mambabatas sa kanilang regular session sa Mayo 17.

Hindi nangailangan ng mahabang oras ang House committee on social services na pinamumunuan ni Rep. Alfred Vargas at committee on economic affairs ni Aklan Rep. Teodorico Haresco Jr., para aprubahan ang iba’t ibang panukalang batas na nagtutulak ng Bayanihan 3 o Bayanihan to Arise as One Act.

“With the Bayanihan 3 approved at committee level, and with the full backing of the House members, I am very optimistic, as chair of the House Social Services Committee, that we will be able to extend to our people the economic and social support that they urgently need during this period of uncertainty,” ani Vargas matapos aprubahan ang nasabing panukala.

Ayon kay Vargas, makatatanggap ng P2,000 ang bawat Filipino sa ilalim ng nasabing panukala kung saan ang P1,000 ay ibibigay sa unang buwan ng implementasyon ng ikatlong ayuda at panibagong P1,000 matapos ang dalawang buwan.

Taliwas ito sa Bayanihan 1 at 2 kung saan P8,000 ang ibinigay na ayuda sa bawat pamilya sa Metro Manila at naglalaro naman sa P5,000 hanggang P6,500 sa ibang lugar kung saan 18 million pamilya ang beneficiaries.

May kabuuang P405.6 billion ang pondo ng Bayanihan 3 kung saan P216 billion dito ay gagamitin sa ayuda o financial at social amelioration, P30 billion para sa wage subsidies, P25 billion sa Assistance to Displaced/Disadvantaged Workers ng DOLE, P30 billion sa Agri-fishery sector at P9 billion para sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP).

“We also allocate P54.6 billion for the Pension and Gratuity Fund of Military Uniformed Personnel, and P5.6 billion for the information technology needs of the Department of Education,” ani Vargas.

Kukunin umano ang pera para rito sa sobrang pondo ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs), Philippine Offshore and Gaming Corporation (POGO), E-sabong at buwis na ipatutupad ng gobyerno.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publicationโ€™s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment