Benepisyaryo ginutom sa P50-B pinatulog sa bangko P200-M KINITA NG STARPAY SA SAP AYUDA

0

(ESTONG REYES)

TUMATAGINTING na P200 milyon ang kinita ng kinuhang financial service provider (FSP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng ayuda noong nakaraang taon sa ilalim ng Special Amelioration Program (SAP), ayon kay Senador Manny Pacquiao.

Sa kanyang interpelasyon sa ginanap na pagdinig ng Senado sa hinihinging P191.4 bilyon ng DSWD, sinabi ni Pacquiao na kailangan munang isantabi ang badyet ng ahensiya para sa 2022 hangga’t hindi naipaliliwanag ang pagkuha sa StarPay bilang tagapamahagi ng ayuda.

“Nakakadismaya ang mga natanggap kong sagot mula sa DSWD tungkol sa status ng Social Amelioration Program. Paano natin aaprubahan ang kanilang hinihinging 191.4 bilyon pesos para sa kanilang 2022 budget kung hindi nila masagot nang maayos kung magkano ang allocation sa mga financial service provider (FSP) at Electronic Money Issuers (EMI) sa SAP-1 at SAP-2,” ayon kay Pacquiao.

Sinabi ni Pacquiao na nabigo ang DSWD na ipaliwanag kung bakit kinuha ang StarPay, isang kumpanyang may maliit na puhunan upang ipamahagi ang multi-bilyong ayuda sa 6.5 milyong pamilyang apektado ng lockdown noong nakaraang taon.

“Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw kung bakit Starpay ang pinaboran. Out of the 14 million beneficiaries for SAP-2,” aniya.

Ayon sa mambabatas, umabot sa P50 bilyon mula sa P85.1 bilyong pondo ang naibigay sa StarPay upang ipamahagi sa 6.5 milyong beneficiaries o mahigit 50% ng kabuuang pondong inilaan sa SAP.

“Ang ipinagkatiwala pong ayuda sa Starpay ay para sa 6.9 Million beneficiaries. Sa 85.1 Billion pesos na pondo, ipinagkatiwala ng DSWD sa StarPay ang halos 60 porsiyentong pondo o mahigit 50 Billion pesos,” ayon kay Pacquiao.

“Ang natirang 40 porsyento ay pinaghatian ng limang FSP’s at EMI na di hamak na mas malaki pa kaysa Starpay,” dagdag niya.

Ayon kay Pacquiao, base sa financial records ng StarPay mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), umabot lamang sa P70,000 benta ng kumpanya noong 2019 at tumuntong sa P113 milyon nitong 2022.

“From losing P26 million in 2019, kumita daw sila ng P20 million pesos sa 2020,” aniya.

“At pinakamasaklap diyan, base sa financial records ng StarPay sa SEC, nagkaroon sila bigla ng P11 billion in cash noong December 2020 kumpara sa P5 million lang noong 2019,” dagdag ng senador.

“Sa P11 billion na cash, P10 billion pala nito ang pera para sa ayuda, na hindi agad ipinamigay sa mga kababayan natin at pinatulog muna sa kanilang account upang kumita ng interest,” giit pa ni Pacquiao.

Aniya, idineposito ng StarPay ang naturang pondo sa isang pribadong bangko at hindi sa government banks alinsunod sa itinakda ng batas tulad ng DBP at Land Bank mula July 2020 hanggang April 2021.

“According to my reliable source, kumita ng P200 million pesos na interest ang StarPay mula sa account nila sa private bank,” ayon kay Pacquiao.

“Ang isyu dito, ginutom ang maraming pamilyang naghihintay ng ayuda sa loob ng sampung buwan pero ang pondo ng bayan, pinatulog sa pribadong bangko at pina-interesan,” giit pa niya.

Kinuwestiyon din ng senador ang sinisingil na P50 hanggang P100 transaction fees na kinolekta sa bawat benepisyaryo ng SAP na idinaan sa StarPay, Western Union at MLhuillier.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment