(NI BERNARD TAGUINOD)
“HINDI na kailangan manawagan ng kahit sino ng imbestigasyon kasi sinabi ko na sa Senate, December 12 ready na ko. Ako mismo ang haharap sa investigation.”
Ito ang tinuran ni House Speaker Alan Peter Cayetano kaugnay ng usapin at kontrobersya sa 30th Southeast Asian (SEA) Games kung saan ang organizer ay ang PHISGOC na kanyang pinamumunuan bilang chair.
“Hindi ako magtatago. Ako mismo ang haharap sa Senado, sa Ombudsman,” ayon pa kay Cayetano sa 44th National Prayer Breakfast sa Club Filipino, San Juan City nitong Huwebes.
Handa rin umano itong sumailalim sa lie detector test kasama sina Sens. Franklin Drilon at Panfilo Lacson upang malaman ng publiko kung nagsasabi siya ng totoo o hindi na walang nangyaring katiwalian sa pondo ng SEA games.
‘Di ba narinig naman ninyo ‘yung speech ko eh, kaming tatlo ni Senator Lacson at Senator Drilon, December 12 date tayo, lie detector test kung kumita ako ng singko sa projects na hinawakan ko ‘di ba dito sa SEA Games. Tanungin ko rin kayo, kung kumita kayo,” ayon pa kay Cayetano.
Sinabi nito sa katotohanan ay abonado umano ang PHISGOC sa SeaGames subalit hindi nito sinabi kung magkano ang kanilang inabono dahil ang mahalaga umano ang tagumpay ng bansa.
NAGBANTA NG RESBAK
Pero hindi papayag si Cayetano na palagpasin ang mga taong nasa likod ng paninira sa kanya kung saan ang tinamaan ay ang Sea Games at karangalan ng bansa.
“Yon ang sinasabi ko, tatargetin n’yo ako, ang tatamaan SEA Games ‘di ba? Galing-galingan ninyo ang target n’yo ‘di ba? Pero I will also unmask those people who are shameless, o mga walanghiya, na gusto talagang sirain ang image ng ating bansa,” banta ni Cayetano.
Hindi na nagbigay ng karagdang impormasyon dito si Cayetano maliban sa .. Well as I said, basta handa ako sa imbestigasyon after the SEA Games. Humanda rin kayo sa imbestigasyon kasi ia-unmask ko rin kayo, Ako i-expose ko lang sila. Pababayaan ko na ang Pilipino na buweltahan sila.”
143