(NI JUN V. TRINIDAD)
HINDI kinagat ni Jose Maria “Joma” Sison, Communist Party of the Philippines (CPP) founder, ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na kagyat na tigil-putukan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at rebeldeng New People’s Army (NPA).
Maging ang imbitasyon ng Pangulo na umuwi si Sison sa bansa para sa posibleng pagpapatuloy ng peace talks ay ibinasura rin ng lider-rebelde.
“Nanloloko si Duterte sa bagong statement niya. Luma ang laman. Binibingwit niya ang mga NPA pati ako na pumasok sa bitag niya para kontrolin at katayin niya sa anumang oras na gusto niya,” ang pahayag ni Sison sa online interview mula sa Utrecht sa Netherlands araw ng Miyerkules.
Ani Sison, hindi siya naniniwala sa alok ni Duterte na “immediate ceasefire” gayundin ang mga kaakibat nitong kondisyunes dahil tulak lang aniya ito ng darating na eleksyon.
“Gusto niyang manloko, manlito at linlangin ang electorate kaugnay ng May elections,” ang pagbibigay-diin ni Sison.
Noong Martes ay hinamon ni Pangulong Duterte ang mga komunistang rebelde ng tigil-putukan.
“Yong mga NPA, gusto talaga ninyo ng usapang matino. Immediate ceasefire. Walang magdala ng armas sa kampo ninyo sa labas. Walang taxation. Walang pagsunog,” ang pahayag ni Duterte sa kanyang talumpati sa campaign rally ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan sa Tuguegarao City in Cagayan.
Muli din niyang inulit ang alok kay Sison na bumalik na sa bansa.
“Umuwi ka dito, Sison. Akong bahala sa ‘yo. Hindi ako traydor na tao. I give you my word of honor, mag-usap tayo,” ang pahayag ng Pangulo.
Matagal nang inaanyayahan ni Pangulong Duterte si Sison na bumalik sa bansa upang pagusapan ang paghinto nang nasa limang dekadang armadong tunggalian.
Subalit ang lahat ng imbitasyon ay tinanggihan ni Sison at sinabing babalik siya sa Pilipinas sa sarili niyang kagustuhan at hindi dahil sa dikta o utos ni Duterte.
Si Sison at ang asawang si Juliet ay napilitang manirahan sa The Netherlands bilang “exile” pagkatapos nang 1986 Edsa People Power Revolution na nagpatalsik sa dating Pangulong Marcos.
Muling bumagsak ang peace talks noong November 2017 matapos ilabas ni Duterte ang Proclamation No. 360 na pumuputol sa pakikipag-negosasyon ng pamahalaan sa mga rebelde.
136