CHA-CHA IKINASA NA SA KAMARA

TATALAKAYIN na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Charter Change (Cha-Cha) para palawigin ang termino ng mga halal na opisyal sa bansa maliban sa mga senador at barangay officials.

Sa ilalim ng Resolution of Both Houses (of Congress) No. 1, na inakda ni Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., pinaamyendahan nito ang 1987 Constitution upang gawing 5 taon ang termino ng mahahalal na Pangulo at Pangalawang Pangulo ngunit maaari silang tumakbo ng isa pang termino.

“It has been 35 years, 12 Congresses, seven presidencies, and 12 local elections since the Charter was ratified,” paliwanag ng mambabatas kaya panahon na umano na mag-Cha-Cha na ang bansa.

Sa ngayon ay anim na taon nagsisilbi ang halal na pangulo at pangalawang pangulo subalit isang termino lamang ang ibinigay sa mga ito ng Saligang Batas na ayon sa mambabatas ay hindi sapat na panahon para maipagpatuloy ang mga sinimulang programa.

Maliban dito, nais din ni Gonzales na baguhin ang sistema ng paghalal ng dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa kung saan ang boto ng presidential candidate ay otomatikong boto na rin ng runningmate nito.

Base sa kasalukuyang sistema, hiwalay na inihahalal ang Pangulo at Pangalawang Pangulo na karaniwan ay mula sa magkaibang partido kaya hindi nagkakasundo ang mga ito.

Noong nakaraang eleksyon lang umano nangyari na kapwa nanalo ang tandem nina President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte.

Kapag nakalusot ang nasabing panukala, magiging 5 taon na rin bawat termino ng mga kongresista at local executives tulad ng mga governor, mayor at iba pang local officials mula sa 3 taon.

Gayunpaman, magiging dalawang beses na lamang ang pagtakbo ng mga ito sa kaparehong posisyon mula sa kasalukuyang sistema na tatlong beses o 3 term.

Naniniwala si Gonzales na dumating na ang panahon para amyendahan ang Saligang Batas ngayong mayorya sa mga Pilipino ang bumoto kina Marcos at Duterte.

“This clear majority mandate of our new President and Vice President would be the green light from our citizenry to proceed to the discussion on Charter change,” ayon pa kay Gonzales. (BERNARD TAGUINOD)

81

Related posts

Leave a Comment