(Ni Lilibeth Julian)
Mainit na sinalubong ngayon, Nobyembre 20, ng mga opisyales ng pamahalaan si Chinese President Xi Jinping sa paglapag ng eroplano nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.
Bandang alas-11:28 ng tanghali nang lumapag sa NAIA terminal 1 ang Air China na sinakyan ni
President Xi kasama ang iba pang miyembro ng delegasyon mula sa Brunei.
Pinangunahan nina Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana, Chinese Ambassador Zhao Jianhua, Finance Sec. Carlos Dominguez, Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal, at Pasay City Mayor Tony Calixto ang pagsalubong kay Xi.
Dalawang araw na mamamalagi sa bansa si Xi para sa kaunaunahang state visit sa bansa ng isang Chinese head makalipas ang 13 taon.
Mula sa pagbaba sa eroplano sa NAIA, sumakay si Xi sa isang itim na limousine patungong Luneta Park kung saan nag-alay ito ng bulaklak sa bantayog ng pambansang bayaning si Gat. Jose Rizal habang mahigpit ang seguridad na ipinatutupad ng mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG).
Habang isinusulat ang balitang ito ay nabatid na magtutungo si President Xi sa Palasyo ng Malacanang sa ganap na alas-4:00 ng hapon para makipagkita at pakipagpulong kay Pangulong Duterte.
Magkakaroon din sila ng bilateral meeting ni Pangulong Duterte bago magpirmahan sa ilang kasunduan.
Sa ikalawang araw, November 21, ni President Xi sa bansa ay makikipagpulong ito kina kina Senate President Tito Sotto III at House Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa isang hotel sa Taguig at haharap din sa mga pinuno ng Fililipno-Chinese Community bago bumalik sa bansang China sa hapon.
140