(NI HARVEY PEREZ)
PINUNA ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senator Panfilo Lacson dahil sa pagsawsaw nito sa bawat isyu na mistula umanong nagtatangkang maging isang ‘crusader’ pero isa namang ignorante.
Ang pahayag ay ginawa ni Duterte matapos nitong alalahanin ang pahayag ni Lacson at Vice President Leni Robredo na kapwa binatikos ang kanyang sinabi na walang masama na tumanggap ng regalo ang mga police officers kung ito ay kusang ibinibigay bilang pagtanaw ng utang na loob.
“His penchant to just right away [make comments] in every issue… I think he’s running for President. But I would caution him to be more circumspect because there will come a time when those [comments] will be used by his enemies against him,” ayon kay Duterte sa ginanap na oath-taking of League of Vice Governors of the Philippines sa Malacanang.
“Sheer ignorance. Trying to be a crusader but ignorant,” dagdag pa ni Duterte.
Si Lacson, dating chief ng Philippine National Police, ay malimit na gumamit ng social media para ihayag ang kanyang opinyon sa mga polisiya ng administrasyong Duterte.
Nabatid na sa Twitter sinalungat ni Lacson ang pahayag ni Duterte kung saan sinabi nito na tanggapin ang regalo ng mga police officers at balewalain ang anti-graft laws.
Noong nakaraang buwan, sinabi ni Duterte na walang masama kung tatanggap ang mga police officers ng regalo kung ito ay ibinigay sa kanila bilang pagtanaw ng utang na loob sa maganda nilang trabaho.
Sa isang talumpati, kinastigo rin nito si Robredo sa kanyang naging pahayag.
“I can forgive Lacson for coming out with an erroneous tongue,” ani Duterte “But I can’t accept Robredo, who’s a lawyer.”