(NI DANG SAMSON-GARCIA)
INIHAIN ni Senador Bong Revilla ang panukala na nagsusulong ng karagdagang benepisyo at pribelihiyo sa mga solo parents partikular ang diskwento sa gatas, supplements, diapers, mga gamot, bakuna, damit, school supplies at iba pang pangangailangan.
Alinsunod sa Senate Bill No. 951, nais ni Revilla na amyendahan ang Republic Act. No. 8972 o Solo Parents Welfare Act of 2000.
Sinabi ni Revilla na sa pamamagitan ng pag-amyenda sa batas, mahigit 15 milyong solo parents ang makikinabang, kung saan ang 95 percent ay babae na higit na nahihirapan lalo na kung may bagong silang na sanggol.
Batay sa panukala, bibigyan ang mga solo parents ng 20 percent discount sa lahat ng bibilhin nitong gatas, pagkain, food supplements, vitamins at sanitary diapers, clothing materials, basic necessities at school supplies.
Bibigyan din sila ng 20 % discount sa lahat ng gamot at iba pang medical supplements, supplies, accessories at equipment, bakuna, consultation at laboratory diagnostic fees.
Isinusulong din sa panukala ang pagbibigay ng 20 % discount sa mga solo parents sa tuition sa bawat anak mula kindergarten hanggang college level sa private at public colleges at universities at schools, bukod pa sa anumang scholarship grants.
Nakasaad din sa panukala na dapat mabigyan ng non-cumulative “parental leave” na hindi hihigit sa pitong araw na may bayad ang sinumang solo parent employee na nakapagserbisyo na ng isang taon at anim na buwan.
167