DAGDAG NA ROAD USER’S TAX LUSOT SA HOUSE PANEL

(NI BERNARD TAGUINOD)

Ilang panahon na lang ay  madaragdagan na ang buwis na binabayaran ng mga motorista taon-taon sa pagpaparehistro ng kanilang sasakyan matapos lumusot sa committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang itaas ang singil Road User’s Tax (RUT).

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House committee on ways and means na siyang nag-apruba sa panukala, aabot sa P40 Billion ang inaasahang maidaragdag sa koleksyon sa buwis sa loob ng tatlong taon sa pagtataas sa RUT na kilala din Motor Vehicle Users Charge (MVUC).

Sa ilalim ng nasabing panukala, ang mga passenger vehicle na may gross weight na 1,600 kilogram ay bubuwisan ng P2,080 sa 2020; P2,560 sa 2021, P3,040 naman  sa 2022.

Ang lahat ng  sasakyan na mahigit 1,600 kg subalit  hindi lalagpas ng 2,300 kg, ang buwis ay P4,680 sa 2020; P5,760 sa 2021 at P6,840 sa 2022  habang ang mga lagpas sa 2,300 kg ay P10,400 sa 2020, P12,800 sa 2021 at P15,200 sa 2022.

Muling itataas sa ng P1.40 kada kilo ang RUT ng lahat ng sasakyan pagdating sa 2023 at karagandang 5 porsyento sa kabuuang buwis ang ipapataw mula 2024 pataas.

Wala umanong  pagbabago sa buwis na ipinapataw sa motorsiklo na walang sidecar at ang makina ay hindi lalagpas ng 400cc habang ang mga  motorsiklo na lagpas sa 400cc ang bagong buwis ay P312 sa 2020, P384 sa 2021 at P456 sa 2022 at sa  may sidecar na motorsiklo ay magbabayad ng  P390 sa 2020, P480 sa 2021 at P570 sa 2022.

Sinabi ni Salceda na  P8 bilyon ang  kikitain ng  gobyerno kapag naipatupad  ito sa 2020, P12 bilyon sa 2021 at P20 bilyon sa 2022.

Gagamitin umano ang  malilikom na pondo sa Public Utility Vehicle Modernization Program at mandato ng MVUC gaya ng pagsasaayos ng mga kalsada sa buong bansa.

 

176

Related posts

Leave a Comment