DAGDAG-SINGIL SA REHISTRO NG SASAKYAN HAHARANGIN

cars200

(NI NOEL ABUEL)

UMAPELA si Senate President Pro Tempore Ralph Recto  sa gobyerno na huwag ituloy ang plano nitong taasan o dagdagan ang registration fees na binabayaran sa mga sasakyan.

Giit ni Recto, hindi dapat maging usapin ang pag-abolish sa Road Board para magdesisyon ang pamahalaan na targetin nito ang dagdag sa singil sa motor vehicle registration fees.

“‘The end’ na ang Road Board. But raising car registration fees should not be its sequel. Hindi ito dapat ang next picture,” sabi ni Recto.

Sinabi pa nito na ang panukala na dagdagan ang singil sa Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) ay nakarating na sa Kamara at Senado mula sa executive branch officials.

“Medyo mabigat kasi kung adjusted to inflation, using 2004 as base year, ‘yung bayad sa rehistro ng bantam car at SUV ay parehong tataas by 72 percent. Mayroon naman isang pahiwatig na 50 percent ang increase. Mayroong 100 percent ang increase,” paliwanag pa nito.

Giit pa ni Recto, na mas makakabubuting pag-usapan na ang nasabing usapin bago pa mangyari ang inaasahang pagdadagdag sa singil sa mga sasakyan.

“Mabuti na ‘yung masabi natin, kasi baka ang maging talking points ay binuwag na ang Road Board kaya pwede nang itaas ang singil sa rehistro ng mga sasakyang panglupa,” sabi pa ng senador.

Binanggit din nito na dalawang taon na ang nakalilipas nang magbabala ito sa”three strike package” na inihahanda ng gobyerno laban sa mga nagmamamay-ari ng mga sasakyan.

Ito umano ay ang dagdag sa excise tax sa produktong petrolyo, mataas na buwis sa motor vehicles at ang pag-a-adjust sa MVUC.

“Baka pwede, huwag nang ituloy ‘yung strike 3, ‘yung sa MVUC. Kasi sapat na ang buwis sa gasolina bilang tax sa paggamit ng kalsada. There is already a toll fee in the gas tax. Kung limang kilometro kada litro ang itinatakbo ng sasakyan mo, sa 50 kilometrong ginapang mo, ang gas tax mo ay P144,” saad ni Recto.

Dapat aniyang makuntento ang pamahalaan sa P46.25 bilyong koleksyon ng MVUC na malaking bagay sa koleksyon sa buwis.

142

Related posts

Leave a Comment