DEATH PENALTY SA MAGDADALA NG DROGA SA PARTY

PARTY DRUGS.jpg

(Ni BERNARD TAGUINOD)

Bagama’t walang parusang kamatayan o death penalty sa Filipinas, ito pa rin ang ipapataw na parusa sa mga sangkot sa ilegal na droga kasama na ang mga taong nagdadala ng illegal drugs sa mga party.

Ito ang isa sa mga nilalaman ng Committee Report No. 111 ukol sa House Bill (HB) 8909 na nag-aamyenda sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerour Drug Act of 2002 at inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.

Sa ilalim ng nasabing panukala, ang mga taong sangkot sa ilegal na droga tulad ng drug lord lalo na ang mga dayuhan, nagmementina ng mga drug den at labortoryo, nagpapasok ng mga chemical na ginagamit sa ilegal na droga ay mahaharap sa parusang life imprisonment hanggang parusang kamatayan.

Kasama na rito ang mga taong magdadala ng mga ilegal na droga sa mga social gathering tulad ng concert, party at iba pang uri ng pagtitipon ng higit sa dalawang tao.

Bukod sa parusang kamatayan ay mayroon ding multang P500,000 hanggang P10 million.

Ayon kay Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, naniguro lamang umano ang mga ito na death penalty ang ipapataw na parusa sa mga sangkot sa ilegal na droga dahil umaasa ang mga ito na magiging batas ang Death Penalty Law na naipasa ng Kamara at inaantay na lamang ang aksyon ng Senado.

Gayunpaman, hanggang ngayon ay nakatengga sa Senado ang nasabing panukala dahil maraming senador ang tutol na maibalik ang parusang kamatayan sa bansa na inalis ni dating Pangulo at ngayon’y House Speaker Gloria Macapagal Arroyo noong 2006.

172

Related posts

Leave a Comment