DEPED PINUNA SA VOUCHER PROGRAM

BINATIKOS ni Senador Win Gatchalian ang kawalan ng linaw kung epektibo nga bang natutugunan ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) ang mga isyung may kinalaman sa sobrang siksikan sa mga pampublikong paaralan.

Ito ay makaraang lumitaw sa Performance Audit Report ng Commission on Audit (COA) noong 2018 na limitado ang datos ng Department of Education (DepEd) sa mga epekto ng GASTPE sa pag-decongest ng mga pampublikong paaralan.

Pinuna rin ng komisyon na walang malinaw na performance indicators ang programa.

Iginiit ni Gatchalian na dapat tutukan ng programa ang mga lugar kung saan may pinakamaraming nagsisiksikang public schools.

“Parang lumalabas na hindi malinaw ang mga panuntunan,” saad ni Gatchalian.

Binigyang-diin pa ng senador na dapat tutukan ang mga lugar na may maraming nagsisiksikang mga estudyante sa mga classroom.

Ngunit batay sa pag-aaral ng COA, walang malinaw na polisiya kung saan ba dapat ipatupad ang Educational Service Contracting (ESC) at ang voucher program.

Ang ESC ay isang partnership program sa ilalim ng GASTPE, kung saan binabayaran ng pamahalaan ang matrikula at iba pang mga bayarin ng mga benepisyaryong mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan na napupunta sa private schools na kinontrata ng DepEd.

Batay sa datos ng DepEd at sa pagsusuri ng tanggapan ng senador, ang mga rehiyon na may pinakamalaking porsyento ng mga nagsisiksikang junior public high schools ay ang National Capital Region (72%), Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) (71%), at Region X (50%).

Ang mga rehiyon namang may pinakamaraming bilang ng mga aisle learners ay ang Region IV-A (319,409), NCR (265,894), at Region VII (118,443) batay sa datos ng DepEd at pagsusuri ng tanggapan ng senador. Ang aisle learners ay mga mag-aaral na hindi na mabibigyan ng espasyo sa loob ng mga paaralan dahil sa sobrang siksikan.

Batay naman sa pagsusuri ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) gamit ang datos ng Private Education Assistance Committee (PEAC), may 149 na mga munisipalidad na may nagsisiksikang mga public junior high school pero kakaunting ESC schools.

Samantala, sinabi ni DepEd Assistant Secretary for Operations Francis Cesar Bringas na rerepasuhin na ang mga pamantayan ng ESC at bibigyang prayoridad ang mga lugar na may pinakamaraming nagsisiksikang mga pampublikong paaralan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

63

Related posts

Leave a Comment