(NI DANG SAMSON-GARCIA)
AMINADO si Senador Bong Go na malabo nang mapondohan pa ang isinusulong na Department of Disaster Resilience (DDR) para sa susunod na taon kahit maging ganap itong batas ngayong 2019.
“Sa ngayon, mahihirapan tayo. Sa tingin ko kung pumasa na po ito ay sa 2021 na po ito,” saad ni Go.
Sa ngayon aniya ang kailangang gawin ay magtulung-tulong muna upang tugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Bukod anya sa pagkain, tubig at matutuluyan, kailangan din ng mga taong naapektuhan ng lindol na maisailalim sila sa counseling dahil marami sa mga ito ay na-trauma.
“Tulungan na lang natin. Magtulungan na lang po tayo. Takot yung tao na bumalik sa kanilang mga bahay. May mga bahay sila pero ayaw nila pumasok sa bahay nila dahil takot silang bumagsak ang bahay nila,” saad ni Go.
“Saka kailangan din ng counseling sa mga bata na na-traumatize talaga,” diin ng senador.
Samantala, kumpiyansa pa rin si Senate Majority Leader Migz Zubiri na matatalakay pa rin nila ang panukalang pagtatatag ng DDR subalit hindi tiyak kung maipapasa nila bago ang Christmas Break.
Habang wala pa naman aniya ang departamento na tututok sa mga kalamidad, mas makabubuting palakasin muna ang mandato ng National Disaster Risk Reduction and Management Council upang makatugon sa mga pangangailangan ng mga biktima.
200