(NI NOEL ABUEL)
TINIYAK ni Senate President Vicente Sotto III na maipapasa bago matapos ang kasalukuyang taon ang batas na magtatatag sa Department of Disaster Resilience.
Ayon kay Sotto, malaki ang pag-asang mabuo ang DDR bago ang Christmas break ng Senado at mapipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“A very big chance, talagang kailangang-kailangan. Malaki ang posibilidad at malaki rin ang posibilidad na mapirmahan ng Presidente ito,” aniya pa.
Mangyayari umano ito lalo na at certified urgent ito ni Pangulong Duterte maliban pa sa nasa 8 senador na aniya ang sumusuporta sa pagkakaroon ng Department of Disaster Resilience.
Wala na rin umanong problema sa pondo dahil sa sinunod ang proposal ni Senador Panfilo Lacson.
“Kapag sinunod ‘yung proposal ni Senator Lacson, next week, pasado na ‘yung budget. Ang proposal niya, I-adopt namin ‘yung House version,” sabi ni Sotto.
Sa pamamagitan umano nito ay wala nang mangyayaring bicam at wala nang insertions pa.
“Matagal na naming pinag-uusapan. Sabi ko tingnan nating mabuti, kung maayos naman ‘yung ipinasa ng House, bakit gagalawin pa natin? Pag walang bicam, walang insertions,” ayon kay Sotto.
242