DIOKNO, BALISACAN NILAGLAG SA ZERO TARIFF SA IMPORTED RICE

NILAGLAG ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang dalawa sa kanyang economic managers na sina Finance Secretary Benjamin Diokno at National Economic Development Authority (NEDA) chief Arsenio Balisacan sa usapin ng zero tariff sa imported rice.

Sa budget deliberation ng Department of Agriculture (DA) kung saan kalihim si Marcos, sinabi ng departamento sa pamamagitan ni Isabela Rep. Tonypet Albano na kinontra ng Pangulo ang mungkahi nina Diokno at Balisacan.

“The Department of Agriculture and the President do not support,” ani Albano nang tanungin ni Camarines Norte Rep. Gabriela Bordado Jr., ang tindig ng Pangulo bilang kalihim ng DA sa mungkahi nina Diokno at Balisacan na ilibre sa taripa ang mga rice importer upang bumaba umano ang presyo ng bigas sa bansa.

Ipinaliwanag ni Albano na malaki ang epekto ng naturang panukala sa mga lokal na magsasaka dahil mas nais ng mga rice importer na bumili ng bigas sa ibang bansa na mas mababa ang presyo kumpara sa local produce.

P12-B koleksyon iniipit?

Samantala, kinastigo ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang DA dahil hanggang ngayon ay hindi napakikinabangan ng mga magsasaka ang may P12.7 billion excess tariff na kinolekta sa mga imported rice noong nakaraan taon.

Inamin ni Albano na ang nasabing pondo ay nakalagak pa hanggang ngayon sa Department of Budget and Management (DBM) at hindi pa naipapamahagi sa mga magsasaka.

“Mr. Speaker magtu-twenty twenty four na, 2022 pa ang pinag-uusapan nating excess tariff hindi pa rin yun naibibigay sa ating mga magsasaka? Ang lakas-lakas natin magpa-green lane sa mga imported na bigas, importers ang nakikinabang, importers ang kumikita pero Mr. Speaker tingnan niyo naman, pagbibigay lang nung excess tariff revenues hindi natin maibigay sa mga magsasaka,” ani Brosas.

Sa ilalim ng Rice Liberalization Law, ang sobra sa tariff revenue ay inilaan para sa direktang tulong sa mga magsasaka.

(BERNARD TAGUINOD)

162

Related posts

Leave a Comment