DIOKNO ISA-SUBPOENA NA NG KAMARA

(NI CESAR BARQUILLA)

IPINASA-SUBPOENA na ng House Committee on Appropriations si Budget Secretary Benjamin Diokno matapos hindi siputin ang pagdinig ng komite sa ika-limang pagkakataon.

Una nang nag-mosyon si Rep. Vicente Veloso na inaprubahan naman ng komite na pinamumunuan ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr.,

Dahil dito, inoobliga na si Diokno ng Kamara na humarap sa hearing patungkol sa mga isyu sa national budget at sa DBM.

Kaugnay nito, nakahanda naman ang Kamara na magpatawag ng pagdinig kahit naka-break na ang sesyon para sa paghahanda sa kampanya sa 2019 midterm election.

Pahayag ito ni House Minority Leader Danilo Suarez kasunod ng pagpapa-subpoena ng komite kay Diokno.

Ayon kay Suarez, nakahanda ang Kamara na magpatawag ng pagdinig kung saan inaasahan na haharap na si Diokno at ang iba pang resource person kaugnay sa budget insertions ng DBM na P75 bilyon sa DPWH at ang kuwestyunableng flood control projects na ibinuhos sa mga balae ng kalihim.

Tiniyak ni Suarez na handa ang Kamara na maglaan ng oras at panahon para maisagawa ang pagdinig sa 2019 budget kahit pa magiging abala din sila sa pangangampanya.

Irerekomenda din nito kay Andaya na pagsabay-sabayin ang mga resource persons na padaluhin at hindi paisa-isa para masagot na lahat ng mga katanungan tungkol sa pambansang pondo.

Kaugnay nito ay nagdesisyon ang Kamara na palawigin hanggang ngayong Biyernes (Pebrero 8) ang sesyon para maratipikahan na ang 2019 national budget bago ang break ng 3rd regular session ng 17th Congress.

 

318

Related posts

Leave a Comment