SABOTAHE SA PLEBISCITE NAPIGILAN

lanao6

(NI JG TUMBADO)

ITINUTURING ng awtoridad na matagumpay ang ikalawa at huling plebesito para sa Bangsamoro Organic Law o BOL sa Maguindanao sa kabila ng kaliwat kanang tensyon at kaguluhan na bumalot sa lugar.

Bago simulan ang pagbubukas ng mga presinto, ilang lugar ay tatlong magkakasunod na pagsabog ang yumanig nitong araw ng Martes sa ilang bayan ng Lanao del Norte.

Batay sa impomasyon mula sa Joint Task Force (JTF) Plebisito, unang naitala ang pagsabog sa likod ng municipal hall ng Kauswagan bandang alas-4:50 ng hapon.

Sumunod ang ikalawang pagsabog na naganap naman sa bayan ng Lala sa tapat ng isang gasolinahan dakong alas 5:40 ng hapon at nitong alas 10 ng gabi ng gulantangin ng malakas na pagsabog ang bayan ng Sultan Naga Dimaporo.

Isinagawa umano ang magkakasunod na pagpapasabog sa magkakahiwalay na bayan sa Lanao del Norte ng improvised explosive device o IED sa bisperas ng plebesito para sa BOL.

Sa nabanggit na insidente ay masuwerte umanong walang nasawi o nasaktan na mga residente.

Ayon kay Joint Task Force-ZamPeLan (Zamboanga Peninsula, Lanao) commander Major Gen. Roseller Murillo, pilit na sinasabotahe umano ng ilang extremist group kabilang ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Sayyaf ang plebesito sa pamamagitan ng paghahasik ng terorismo at pambobomba.

Subalit sa higpit ng pagbabantay ng seguridad ng pinagsamang puwersa ng AFP at PNP ay nabigo umano ang mga ito na iparalisa ang malayang halalan para sa Mindanao.

Patuloy pa nilang tinutukoy sa joint investigation ang mga pangyayari.

Samantala, inaresto ng mga nakatalagang pulis para magbantay ng seguridad sa mga presinto, ang isang lalaki dahil sa pagdadala nito ng baril habang nasa loob ng voting precinct sa kasagsagan ng halalan sa bayan ng Aleosan, North Cotabato.

Agad hiniwalay at dinala sa presinto ang suspek na nakilalang si Mohammad Sawan Kutok, 32, isang magsasaka ng Barangay Dunguan, Aleosan, North Cotabato.

Batay kay Chief Supt. Eliseo Tam Rasco, Police Regional Office 12 Director, si Kutok na isang botante at nakarehistro sa precinct no. 26-A Sitio Bakyawan ay pumasok ng polling precinct alas 7:40 ng umaga.

Pero bago pa man makaboto ay napansin na ng mga plebiscite committee ang dalang itim na sling bag ni Kutok na dahilan para humingi ng saklolo sa mga pulis at sundalo na nagbabantay sa lugar.

At nang inspeksyunin ng mga awtoridad ang sling bag ni Kutok ay dito nakita ang isang .38revolver na may walong piraso ng buhay na bala.

Sinasabi rin sa report na si Kutok ay miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Kakasuhan ang suspek sa paglabag nito sa ilalim ng election gun ban.

 

 

 

159

Related posts

Leave a Comment