(NI BERNARD TAGUINOD)
WALA umanong plano ni House Speaker Allan Peter Cayetano na harangin ang Divorce Bill bagama’t hindi ito naniniwala na ito ang solusyon sa problema ng mag-asawa na hindi na nagkakasundo.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag matapos ilagay ng House committee on population and family relation sa kanilang priority bill ang nasabing panukala na iniakda ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
“Some believe that divorce is the solution, some, like me, do not believe that divorces is the solution,” pahayag ni Cayetano na taliwas naman sa posisyon ng kanyang kapatid ni Sen. Pia Cayetano na nagsusulong sa nasabing panukala sa Senado.
Ayon sa House leader, dapat aniyang hanapan ng ibang solusyon ang problema ng mag-asawa na hindi na nagkakasundo at wala ng paraan para maayos pa ang kanilang pagsasama.
Kabilang dito ang gawing ‘democratic’ ang annulment sa bansa subalit hindi na ito ipinaliwanag ni Cayetano.
Gayunpaman, tiniyak nito na walang planong ipatigil sa nasabing komite ang pagdinig sa panukala na noong 13th Congress pa isinusulong sa Kongreso subalit hindi nakalulusot.
“I will not stop but we will act with caution on bills that have no consensus,” ayon pa sa mambabatas
Magpapatawag din umano ng caucus sa Kamara upang malaman ang posisyon ng bawat mambabatas sa mga kontrobersyal na panukala tulad ng Divorce bill at pagbabalik sa parusang kamatayan.
129