DOLE, BI SINABON SA PAGDAGSA NG CHINESE NATIONALS

(Ni NOEL ABUEL)

Sinabon ng mga senador ang mga opisyales ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng usapin ng pagdagsa ng mga dayuhan sa bansa partikular ang mga Chinese nationals.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, nagturuan ang mga bisitang opisyales ng DOLE at BI hinggil sa kung sino ang dapat na managot sa pagdagsa ng mga Chinese nationals sa bansa.

Pinuna nina Senador Joel Villanueva, Senador Grace Poe, Senador Risa Hontiveros, Senador Nancy Binay at Senador Franklin Drilon ang maluwag na proseso ng dalawang ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay ng Alien Employment Permit (AEP) at Special Working Permit (SWP) sa mga Chinese nationals.

Sinisisi ng mga senador ang DOLE at BI kung bakit dumarami ang bilang ng mga illegal aliens at illegal workers sa bansa na nagiging kaagaw ng mga Filipino sa trabaho at pabahay.

Kinumpirma ni DOLE Usec. Ciriaco Lagunzad na mula taong 2015 hanggang 2017 ay umaabot sa 115,652 ang ibinigay nitong AEP sa mga dayuhan kung saan 51,980 ang naibigay sa mga Chinese nationals.

Sinabi naman ni Villanueva na base sa hawak nitong datos ay nasa 3.12 milyong Chinese nationals ang pumasok sa bansa noong 2016 kung saan malaking bilang ng mga ito ang posible umanong illegal na nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng bansa.

Inamin din ng DOLE na karamihan ay pumasok sa bansa bilang turista subalit kalaunan ay nag-aaply ng working visa para makapagtrabaho sa bansa na .

“Halos kalahati po nito or 51, 980 AEP ang na-issue sa mga Chinese nationals. Nakakaalarma po dahil nasa 24, 000 out of 52, 000 AEP ay na-issue for just one year noong 2017. Gusto po nating klaruhin ‘yan kung bakit may Immigration surge of may sudden influx ng Chinese nationals dito sa atin,” paliwanag pa nito.

Giit ni Villanueva na dapat na magsagawa ng paghahanap sa mga nasabing illegal workers na karamihan ay nagtatago at nakatira sa mga condominium.

Tinukoy nito ang mga lugar kung saan maraming Chinese nationals sa Macapagal Avenue sa Pasay City, sa lungsod ng Makati na mistula na umanong sinakop ng mga nasabing dayuhan ang bansa.

Dahil dito iniutos ng mga senador ang crackdown sa mga nasabing illegal workers na nagtatago sa mga condominiums upang madakip at maitapon sa kanilang bansa.

“Klarong-klaro po itong mga Chinese nationals ninanakawan ng trabaho ang mga Filipino, inaagawan ng tirahan at kinukupitan ng oportunidad ang mga Filipino,” sabi ni Villanueva.

3

Related posts

Leave a Comment