NEGATIBONG KARANASAN NG IBANG BANSA SA CHINESE PROJECTS RAMDAM NA SA PINAS

(Ni BERNARD TAGUINOD)

Hindi pa man nagsisimula ang mga proyektong popondohan ng China sa Pilipinas ay ramdam na ng mga Filipinong manggagawa ang masamang karanasan ng ibang bansa na pinautang ng China sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI).

Ito ang pahayag ni Magdalo partylist Rep. Gary Alejano kasunod ng mga ulat na maraming Chinese nationals na ang nagtatrabaho sa Pilipinas ngayon pa lamang lalo na sa mga construction industry.

Ayon sa mambabatas, karamihan sa mga bansang pinautang ng China para itayo ang mga imprastraktura sa kanilang bansa ay hindi ang kanilang mamamayan ang nagtatrabaho kundi mga Chinese nationals.

“The surge of Chinese nationals being employed here is alarming because Filipino workers could have benefitted instead from the job creation. Iba ito sa ipinangako at pagsisiguro ng gobyerno sa mga Pilipino hinggil sa mga proyektong popondohan ng Chinese loans,” ani Alejano.

Inaasahan na lalong dadami umano ang mga Chinese nationals na magtatrabaho sa mga proyektong popondohan ng China sa Pilipinas kung hindi agad kumilos ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Kailangan umanong tiyakin ng gobyerno na mapapakinabangan ng mga Filipino lalo na ang may 9.8 milyon na walang hanapbuhay ngayon ang mga proyektong itatayo ng gobyerno na popondohan ng China.

Hindi umano katuwiran ang pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na isa sa mga dahilan kung bakit mga Chinese nationals ang nagtatrabaho sa mga construction industry sa bansa ay dahil sa technical at professional skills ng mga ito na hindi maibigay sa mga Filipino.

“…that this must be a wake-up call to the government to invest more on capacitating and training our home-grown professionals and workers,” ani Alejano dahil hanggang ngayon ay hindi umano ramdam ng mga manggagawang Filipino ang Build-build-build program ng Duterte administration.

16

Related posts

Leave a Comment