(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI isinasantabi ng isang opposition congressman na tuluyang i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 national budget upang hindi nito masaktan ang Senado at Kamara. Sa press conference, Biyernes ng hapon sa Kamara, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, hindi kayang isakripisyo ni Duterte ang kanyang ka-alyansa sa dalawang Kapulungan kaya para maiwasan umano ito ay ive-veto na lamang nito ang buong P3.757 Trillion national budget ngayong taon.
“Pag kinampihan niya ang House magagalit ang Senate, pag kinampihan niya ang Senate magagalit ang House. Magkakaroon ng lamat talaga yung alliances nya, either House ang papaboran niya, bersyon ng House o bersyon ng Senate,” ani Zarate.
Inaakusahan ng liderato ng Kamara ang mga senador na mayroong P84 Billion insertions sa nasabing budget habang kinukuwestiyon naman ng Senado ang P75 Billion na pinakialaman umano ng mga kongresista sa pambansang pondo.
Sinabi ni Zarate na hindi kayang isakripisyo ni Duterte ang kanyang alyansa sa dalawang Kapulungan kaya para walang masaktan umano ay wala na lang itong pagbibigyan o kakampihan.
Gayunpaman, sinabi ni Zarate na walang ibang madedehado umano kung sakaling i-veto ni Duterte ang buong pambansang budget kundi ang mamamayan dahil maisasakripisyo ang mga programa at proyekto para taumbayan.
146