(NI LILIBETH JULIAN)
MAHIGPIT na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Health (DoH) na palakasin at doblehin pa ang kampanya para sa pagbabakuna.
Ang direktiba ng Pangulo ay kasunod ng ulat na nadagdagan pa ang bilang ng mga lugar na nagkaroon ng measles outbreak.
Ayon kay Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo, mismong ang Pangulo na ang humihikayat sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak para maprotektahan laban sa sakit.
Base sa pinakahling ulat ng DoH ay isinailalim sa measles outbreak ang National Capital Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Eastern Visayas, kabilang ang Ilocos Region, Calabarzon, Mimaropa at Bicol Region.
Sinisi naman ni Health Secretary Francisco Duque III si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta sa patuloy na takot na ipinakikita ng publiko sa libreng bakuna ng gobyerno.
Ayon kay Duque, dahil sa patuloy na paninisi ni Acosta sa DoH kaugnay sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine ay wala nang tiwala ang mayoryang publiko sa bakunang ibinibigay ng pamahalaan.
“Baseless claims and accusations” of PAO chief Acosta, led to the “decline in vaccine confidence and a rise in cases of measles and other vaccine preventable diseases,” pahayag ni Duque.
Tinukoy ni Duque ang mga lugar na malala ang measles outbreak sa Quezon City, Manila, Caloocan, Marikina, Pasig, Navotas, Paranaque, Taguig, Pasay, at Malabon.
154