(NI BETH JULIAN)
MAGDEDEKLARA ng “revolutionary war” at suspensiyon ng writ of habeas corpus si Pangulong Rodrigo Duterte para ipaaresto ang mga sangkot sa iba’t ibang mga krimen.
Ito ang binitiwang banta ang Pangulo sa kaniyang talumpati sa Annual Convention of the Prosecutors League of the Philippines sa Palawan.Kasabay nito, pinatutsadahan din niya si Senator Franklin Drilon na nag-abiso sa gobyerno na maging maingat sa pagrepaso sa lahat ng mga kontratang pinasok ng pamahalaan.
Napag-alaman na sinabi ni Drilon, na maaaring magdulot ng legal at pinansiyal na implikasyon sa bansa kung hindi mag-iingat ang gobyerno.
Tugon naman ng Pangulo, hindi kailangang mag-ingat na mabali ang obligasyon ng gobyerno sa mga kontratang hindi naman pabor sa interes ng mga tao.
“I have enough problems with criminality, drugs, rebellion and all pero pag ako ang pinaabot ninyo ng sagad, I will declare the suspension of the writ of habeas corpus and I will arrest all of you. Kasama kayo sa mga rebelde, mga kriminal pati ang mga durogista. Then pahirapan mo ako? I will declare a revolutionary war until the end of my term, then pasensyahan tayo,” ayon sa Pangulo.
“Be careful of legalities of what? P___ina, how dare you say that to me Mr. Drilon. …Do not push me to the wall,” pahayag pa ng Pangulo.
Gayunman, makalipas ang ilang sandali ay sinabi ng Pangulo na ang kanyang banta ay isang paalala lamang dahil alam nito na delikado ito sa lahat.
277